Umibig, Umasa, Nasaktan!!Nagparaya!!

alone buildings city cityscape
Photo by Pixabay on Pexels.com

 Mas naiisin mo pang ikaw ang magdusa kaysa sa manira ng pamilya.

Kala ko Ikaw na..!!! Kala ko Ikaw na talaga. Pinaramdam mo sa akin kung gaano ako kahalaga. Pinaramdam mo sa akin kung ano ako sa buhay mo. Matiyaga mo ako tinetext ng ” Good Morning with smiley pa 😂😂😂 ” ,afternoon and evening ,ganyan ka…Hahaha…Free time ka pag dating sa akin…Kahit text lang ugnayan natin noon , napapangiti mo ako, Oo…Lihim mong nakikiliti ang puso ko noon. Masaya ako pagnagtetext o tumatawag ka sa akin. Excited ako na buksan ang cellphone, excited ako na pangalan mo ang makikita ko sa screen.

Hanggang sa…di ka na nagparamdam 1, 2,3 days, hanggang sa naging linggo at buwan. Nasa isip ko noon, siguro nagsawa ka, napagod na, ika nga sabi mo paasa ako. Pero hindi eh…noong mga panahong iyon takot akong aminin sayo na mahal kita…Takot ako na baka magbago ka, takot ako na sa umpisa ka lang mainam. Nangibabaw ang takot sa akin kaysa pagmamahal mo sa akin…Oo duwag ako, alam ko naman iyon. 😂😂😂 Labis akong nangulila sayo noon, ang dami kong sana inamin ko na sayo noon pa . Wala nang magagawa pa ang aking SANA nangyari na ang bagay na kinatatakutan ko.

Aaminin ko, Oo umiyak din naman ako noon at sinisi ang sarili ko. Simula noon wala na akong balita sayo, nagpalit ka na rin ng numero, nakakatuwang isipin na mas memoryado ko pa ang numero ng cellphone mo kaysa sa Nanay ko. Sinubukan kong tawagan kita. Pero wala, out of coverage ka na…😂😂…Di kita ma-reach.. Totoo sobra akong nalungkot at nangulila sayo noon. Kaya nagpasya na ako noon na tumigil na sa kakapantasya sayo na babalik ka rin at magpaparamdam. 😂👊 Mabilis ba nakamove-on? Hindi nga eh. .sobrang hirap pala , kaya ginawa ko ang dapat nagpaka-busy ako. Yung tipong tutulog nalang ako at kinabukasan work mode na….Hahaha….Parang timang lang, pinarurusahan ko lang pala sarili ko…Bakit ko pa kailangang gawin iyon, simple lang naman kasi eh….Kung di talaga siya para sayo, Hindi !!! Wag na ipagpilitan pa ang mga bagay na di naman talaga pwede. Masakit Pero tinanggap ko para sa sarili. Okey na ang LAHAT…Yes …naka-move on na si Besh….hahaha…nakakangiti na ulit, nagiging makulit na si ako….siglahin na ulit ako pero emotera pa din….Yes, Ang strong ko…😂👊

Okey na , saka ka naman nagparamdam … New number calling sa screen ng phone, nagtatakang akong sinagot ang phone, boses pa lang alam na alam ko na , ikaw iyon… Ikaw na mangiyak-ngiyak sa kabilang linya… Tinanong kita kung , Bakit? Nag-flashback LAHAT sa akin, Kung kaharap lang kita di ko alam ang gagawin sayo…. Hahaha…Kala ko hihingi ka ng tawad kasi di ka nagparamdam, Mali pala ako,…. Sasabihin mo lang pala sa akin na may nabuntis ka, na mag-aasawa ka….!!! Nakakagalit , so anong gusto mo babatiin pa kita ng CONGRATULATIONS!!! Nangingilid na ang mga luha noon sa aking mga mata. Pinipigilan kung umiyak. Sabi mo di mo siya Mahal , kasi ako ang Mahal mo…..Naku!!! Ibang usapan na pag ganyan… Huwag mong takbuhan ang responsibilidad mo sa kanya. Di ba? Yun naman ang dapat, Hindi yan PAGKAKAMALI. Destiny yan na makilala mo siya. Mahalin mo rin siya higit pa sa pagmamahal mo sa akin. Higit na mararamdaman mo ang saya pag kapiling mo siya Lalo na at magkaka-anak na kayo… Blessings Yun….tanggapin mo nalang na kahit kailan di magiging tayo, naging parte lang ako ng buhay mo. Mas masaya kapag pinanindigan mo siya. Mas mahirap at masakit kapag nagdesisyon ka na takbuhan mo sila , pagsisihan mo yan habambuhay. Yan ang mga litanyang binitawan ko sayo noon. Mukha namang naliwanagan ka at sinunod mo ako. Nag-sorry na rin sa ginawa mo sa akin…nakaka-stress free..Kahit mangiyak-ngiyak ako nung gabing iyon. Magaan sa pakiramdam na alam kong ginawa ko ang TAMA.


Nasaktan ka man, alam mong may pamilyang masaya dahil sa desisyon mo..


Pananampalataya sa Pag-asa

Malungkot ang kapaligiran para bang nakiki-ayon ang panahon sa kalagayan ni Nita. Si Nita ay isang dalagang ina, masakit para sa kanya ang sinapit niya ngunit mas masakit para sa kanya na makitang ang kanyang anak ay nag-iisang inaayos ang sarili para pumasok sa paaralan. Pitong taong gulang pa lamang ang kanyang anak na si Joy. Maaasahan na ito sa loob ng bahay, responsableng bata si Joy inaalagaan niya ang kanyang ina sa abot ng kanyang makakaya. Si Nita ay matagal nang nakikipaglaban sa kanyang sakit, hindi siya makalakad at mahigit dalawang taon ng nakaratay sa banig. Minsan may pagkakataon na naiihi siya sa kanyang higaan, naaawa siya sa kanyang sarili nais na niyang wakasan ang buhay niya. Ngunit sa tuwing nakikita niya ang kanyang anak nagkakaroon ng kulay ang buhay ng kanyang buhay, nagkakaroon ng liwanag ang madilim niyang buhay.

            Isang araw na papasok si Joy sa paaralan, mag-isang inaayos niya ang kanyang sarili. Tumingin sa salamin at ngumiti sabay tingin sa ina at nagwika, “Ma maganda po ba ako?”, “Oo naman anak mana ka sa akin”, sabad ng ina sa anak. Bago pa man umalis si Joy ipinaghanda niya muna ng pagkain ang ikanyang ina  sa tabi ng higaan. May habilin pa ito sa ina, “Ma, ito na po pagkain niyo, kumain po kayo at inumin po ang gamut niyo, papasok nap o ako sa paaralan.”

            Mangiyak-ngiyak si Nita sa turan ng kanyang anak. Napakapalad niya bagamat maysakit siya  at puno ng kalbaryo ang buhay niya nanatili pa rin siyang matatag. Hindi isang sakit ang gugupo sa kanya para sumuko bagkus isa itong inspirasyon para lumaban at patunayang ang buhay ay puno ng pag-asa. Maraming nagmamahal kay Nita, mga pamilya, mga kaibigan, mga kamag-anak at lalo na ang kanyang nag-iisang anak na patuloy na ipinagdarasal ang kanyang paggaling.

            Patuloy na umaasa si Nita sa kanyang paggaling kahit na alam niyang imposible ngunit sa kanyang saloobin walang imposible sa Panginoon. Taimtim siyang nanalangin gabi-gabi na ihanda siya sa kanyang paglisan sa mundong ibabaw. At patuloy na gabayan ang kanyang anak at mahalin ng mga taong nakapaligid sa kanya. Madalas umiyak si Nita sa gabi ngunit sa umaga hindi mababakas ang pighati na kanyang dinaranas.

            Tila ba inspirasyon siya ng mga taong nasa paligid niya sa anumang pagsubok sa buhay ay manatiling matatag gaano man kalaking pader ang nakaharang sa dinaraanan. Huwag mag-alala dahil higit na malaki ang Panginoon sa mga problemang dumarating sa atin. Lahat ng mga nangyayari sa atin ay may dahilan. Huwag kang matakot harapin ang lahat ng ito bagkus harapin ito at lumakad ng may paniniwala sa Panginoon.

Bahay Kubo

Munti kong ituring ngunit hatid ay dalisay
Sa pagnanais nang kapahingaan
Kapara ng pag-ibig ko sa'yo
Ikaw ang nagsisilbing pahinga ko

Ang kapagurang aking natatamasa
Ay kusang naglalaho kapag ika'y nasisilayan
Gaya ng munting bintanang parisukat
Lundayan ng ating matamis na pagdudungawan

Sa ating bahay kubo tangan ay liwanag
Na nagpapakulay sa ating pag-iibigan
Hindi man tayo marangya sa materyal
Pagmamahalan naman ay walang kapares.

Sigalot na ating nararanasan,
Agarang napupuksa ng iyong kalinga,
Mahal, wala kang kapara.
Kaya hindi kita ipagpapalit.

Patuloy kitang mamahalin sa paraan ko,
Kung saan lagi kang masaya,
Ibig mo'y siya kong nais.
Ang makapiling ka sa tuwina.

Ikaw ang tangi kong liwanag,
Na aking pakakaingatan ko.
Hindi ako mapaparam kailanman
Sapagkat ikaw ang aking gabay.





	

Balang Araw

Balang araw hindi na ako luluha habang pinagmamasdan ka
 Sa larawan ng puno ng ating alaala at pangarap
 Balang araw hindi na ako hihikbi habang pinakikinggan
 Ang ating musika na himig nating dalawa

 Balang araw hindi na ako matutulala sa kalumbayan
 Habang ako ay nasa ating paboritong lugar
 Balang araw masisilayan din ang aking mga ngiti 
 At sigurado ako na di na ikaw ang dahilan ng aking mga ngiti

 Ikaw man ang dahilan ng pagkaguho ng aking mga pangarap
 Huwag kang mag-alala babangon ako at mangangarap muli
 Sisiguraduhin ko na di na ikaw bahagi nito
 Balang araw mangangarap akong muli para sa sarili ko

 Hindi na hihinto ang mundo ko para hintayin ka pang bumalik
 Balang araw kusa nalang akong maglalakad
 Hindi dahil sa pagod na akong hintayin ka
 Kundi dahil ito ang nararapat, tunguhin ang aking landas
 Na wala ka upang paglalakbay ko’y matagumpay
 Gaya ng nais ko.
 Balang araw!

Patawad

Patawad sa aking nagawa,
Sana ako ay iyong pagbigyan.
Patawad sa aking tinuran,
Sana ako ay iyong pakinggan.

Bugso ng aking damdamin,
Naghuhumiyaw at nag-uumalpas.
Huwag kang pabayaan,
Pakamahalin at unawain.

Ngunit ano itong aking nagawa,
Hinayaan kong ikaw ay masaktan.
Pagtangis mo’y aking isinantabi,
Bugso ng damdamin ako nagpadala.

Pag-ibig mo ay naglaho,
Na parang bula.
Nasaktan kitang labis,
Kaya ikaw ay naglaho.

Ngunit, bakit ngayong wala ka na,
Ako’y nangungulila sayo.
Hinahanap ko lalo pag-ibig mo,
Umaasa na babalik ka sinta.

Patawad sa aking nagawa,
Sana ay masaya ka.
Saan ka man naroon ngayon,
Ako’y lubos na nangungulila sayo.