Bahay Kubo

Munti kong ituring ngunit hatid ay dalisay
Sa pagnanais nang kapahingaan
Kapara ng pag-ibig ko sa'yo
Ikaw ang nagsisilbing pahinga ko

Ang kapagurang aking natatamasa
Ay kusang naglalaho kapag ika'y nasisilayan
Gaya ng munting bintanang parisukat
Lundayan ng ating matamis na pagdudungawan

Sa ating bahay kubo tangan ay liwanag
Na nagpapakulay sa ating pag-iibigan
Hindi man tayo marangya sa materyal
Pagmamahalan naman ay walang kapares.

Sigalot na ating nararanasan,
Agarang napupuksa ng iyong kalinga,
Mahal, wala kang kapara.
Kaya hindi kita ipagpapalit.

Patuloy kitang mamahalin sa paraan ko,
Kung saan lagi kang masaya,
Ibig mo'y siya kong nais.
Ang makapiling ka sa tuwina.

Ikaw ang tangi kong liwanag,
Na aking pakakaingatan ko.
Hindi ako mapaparam kailanman
Sapagkat ikaw ang aking gabay.





			

Alaala

Pagtangis ko’y
gaya ng tubig sa ilog
rumaragasa at di mapigilan
dahil sa iyong pamamaalam!

Pilitin ko mang
pigilin ngunit lalong masakit
impit ng aking pag-iyak
ay naghuhumiyaw at umalingawngaw
mga luha’y umagos nang tuluyan

Naaalala ko yaong
mga kalinga mong tunay
pag-aalaga mong sapat
at walang makakatumbas
kargahin ako sa iyong mga likod
tuwing malayo ang lalakarin

Inaako mo yaong mga kapilyuhan kong gawa
handa mong iharang iyong sarili
sa patpat ni Ina na parusa sa akin
mga luha ko’y iyong tinutuyo
tinuturuan mo akong bumangon
sa aking pagkakamali at pagkadapa
nagsilbing aking ilaw sa karimlang piit

Ikaw, ang aming pinuno
pagsapit ng gabi kami‘y iyong tinitipon
banig ay ilalatag sa munting veranda
gasera ay sisindihan at magsisilbing ilaw
matiyaga mo kaming tuturuan
sa mga takdang aralin
lahat kaming iyong kahiramang suklay
upang maunawaan bawat aralin

Inatang sa iyong gawain ni AMA at INA
wala akong narinig na kahit anong daing
dakila ka para sa akin maging sa kanila
walang maisumbat maging ang sinuman
pinaghuhusayan mong husay
makamit lamang ang bawat tagumpay
maparisan naming mga magkakapatid

Saan ka mang dako ngayon
hiling ko sana patuloy mo kaming gabayan
ituwid sa aming landas
at iilawan aming daraanan
upang kami’y di maparam sa aming tinatahak
nangungulila ako sayo aking kuya
nasa piling ka na ng Maylikha
kung saan ang dusa at sakit ay wala na

Mananatili ka sa aming alaala
ilang araw at mga taon man ang lilipas
nakaukit yaong mga alaala
na parang mga perlas kong ituring
alaalang aking pinanghahawakan
ang tangi nating larawan na di kukupas kailanman!!!


Hanggang sa muli ng ating pagkikita!!!

Bakit dalampasigan? Paboritong lugar namin iyan. Tumatakas pa kami tuwing tanghali pinapatulog kami tuwing tanghali pero nandiyan kami naglalangoy. Ang sarap lang maging bata ulit. Yung puro saya lang ninamnam bawat sandali, bawat laro. Kahit masakit mga palo ni Ina di naman mapapalitan ang mga sayang dulot habang naglalaro ka kasama ng mga kalaro mo. Tama na nga ito. Naiiyak lang ako ulit, totoo habang ginagawa ko ito luha ko’y di na mapigil.