Liwanag sa Hardin


Sa parang ako’y isang magandang bulaklak;
Nagpapaganda sa masalimoot mong buhay.
Tangan ang kislap ng pag-asa;
Humahalimuyak sa bakuran mong kaylumbay.

Maaaninag ang tunay na ganda;
Kung ako’y iyong pagmamasdan ng husay.
Mapapawi ang lungkot at pighati sa buhay;
Kusang sisilay ang ngiti sa mga labi.

Halina’t ako’y iyong pagmasdan;
Sabay nating harapin ang bukas.
Nang may tuwa at pag-asa;
Panghawakan ang liwanag na dala ko.

Pagkat kislap na aking taglay;
Walang sinumang makakapantay.
Samyo ng aking pag-ibig;
Kusa mong madarama sa tuwina.

Sa tuwing lagi mo akong kapiling;
Hindi ko hahayaang ika’y malungkot.
Susulitin natin bawat araw na magkapiling;
Gagawin natin itong masaya at makulay.

Sa aking paglalagi sa mundong ito;
Tanging hiling ko’y maging matagumpay ka.
Sa bawat unos na iyong tatahakin;
Alalahanin mong ako’y laging nandito.

Patuloy kong iilawan ang landas mo;
Tungo sa buhay na pinakaaasam mo.
Ako’y patuloy na magniningning sa hardin mo;
Upang maging ilaw sa iyong paglalakbay.

Hardin mo’y mananatiling makulay;
Hangga’t ako’y narito.
Panghawakan bawat pag-asa na iyong natatanaw;
Kasama mo ako saan ka man magtungo.

Tatanawin kita sa malayo;
Ipapanalangin ang iyong landas.
Tungo sa mahusay at maunlad na pakikibaka;
Mapapagtagumpayan mo lahat ng pakikibaka.

Sa iyong pakikibaka sa buhay;
Lagi mong tatanawin ang iyong adhikain.
Upang landas mo ay hindi malihis.
Lumakad ka sa paglalakbay na taglay ang liwanag ko.


•Poetry•
#Tagalog