Apat na dekada ang lumipas
umaapaw ang pananabik
sa pagkikitang muli.
Walang pagsidlan ang galak
mumunting tinig ay
kusang umalingawngaw.
Kasabay sa pag-alaala
ng nakaraan ang mga tawanan.
Luhang umalpas ay tanda
ng galak at pangungulila
sa isa’t isa.
-Reunited (After 43 years)
Mahigit na apatnapu’t tatlong taon silang di nagkita. Saksi ako kung paanong ang mga luha ay kusang kumawala sa kanilang mga mata. Saksi akong pilit nilang itinatago sa mga ngiti ang pananabik nila sa isa’t isa. Saksi ako kung paanong ang mga bisig nila ay kusang nagyakapan ng mahigpit hanggang sa maibsan ang kanilang pananabik sa isa’t isa. Ngunit alam kong hindi iyon sapat para maibsan.
Bawat yakap ay ninamnam, walang katapusan hanggang sa sila ay naupo sa isang silya na kanina pang nag-aantay sa kanila.
Bawat segundo ay mahalaga sa kanilang dalawa. Sa kanilang pagkikitang muli inaalala ang mga kahapong lumipas. Pinagkwentuhang muli ang mga nakalipas na bawat sandali. At maging ang mga pasakit na dinanas noon ay tinatawanan na nila ngayon. Napuno ang silid ng tawanan. Ang saya ng bawat sandali. Ang sarap pakinggan ng mga malulutong na halakhak. Tila ba isang musika na nonoot sa puso at nanamnamin ang ligayang dulot nito.
Kaysarap pagmasdan ang kanilang pagkikitang muli na aking nasaksihan. Hiling ko sana na hindi na ito matapos, na sana mas marami pa silang oras na gugulin para pagsaluhan ang mga panahong na nasayang noon. Sana may kapangyarihan akong pahabain pa ang bawat segundo at hayaan nalang sila sa kung ano sila ngayon. Masayang-masaya silang dalawa at ramdam ko iyon.
Ngunit bawat umpisa ay may katapusan. Dumating ang araw na ayaw ko sanang mangyari ngunit kailangan. Kailangang mamaalam sa isa’t isa para umuwi sa sariling mga buhay na tinadhana. Ito ang araw na ayaw kong masaksihan. Tiyak na ito’y magbibigay ng lungkot sa bawat isa.
Ang pamamaalam sa isa’t isa. Bagay na ayaw kong mangyari ngunit kailangan. Para ipagpatuloy ang buhay na inadya ng tadhana sa isa’t isa.
Ito ang sandali na ayaw kong masaksihan. Kasabay nito ay ang pagkadurog ng kanilang mga puso. Sa pag-aalalang, kailan ulit mangyayari ang pagkikita nilang muli. Sana may kapangyarihan akong patigilin ang sandali para magkaroon pa sila ng oras na namnamin ang oras na lumipas ng mahabang panahon.
Pamamaalam!
Kusang umibis ang mga luhang
kanina pang nagbabadya
sa piitang sinadya para ikubli
ang kirot ng pamamaalam.
😢😢😢
-Paghatid
Isa sa mga kaugalian nating mga Pilipino ay ihatid ang ating mga mahal sa buhay sa kanilang paroroonan at ihatid sa pamamagitan ng ating mga mata. Hindi tayo umaalis hanggang hindi sila nawawala sa ating paningin.
Dumating na ang sandali na kailangang mamaalam sa isa’t isa. Parehas na mamaalam. Para ipagpatuloy ang buhay na itinadhana sa kanila.
Nasaksihan ko ang bawat pagtangis na sanhi ng pamamaalam. Nasaksihan ko ang mga pangako nila sa isa’t isa na walang kasiguraduhan. Saksi ako kung paanong ang mga yakap nilang mahigpit ay pinagkaisang muli. Ang bawat bisig ay parang magnet na ayaw maghiwalay ngunit kailangan. At sa mga ngiti pilit ikinukubli ang bawat sakit ngunit mga mata ay di makapagsinungaling makikita at mararamdaman ang totoong nararamdaman nila sa isa’t isa.
Ang sakit ngunit kailangan. Umaasa ako na ang kanilang pangako sa isa’t isa ay matupad sa tamang panahon. Alam kong hindi na sapat ang panahon dahil nasa dapithapon na sila ng kanilang mga buhay. Pero umaasa ako at sa pagkakataong iyon sana lahat silang magkakapatid ay magkikitang muli bago sila mamaalam dito sa mundong ibabaw.
P.S: Ito ay kwento ng dalawang tyahin kong mahigit apatnapu’t tatlong taon silang di nagpangita. Nais ko lang ibahagi sa inyo ang kanilang kwento. Maraming salamat!
Ang kanilang kwento ay nagbigay sa akin ng pag-asa na bawat pangyayari at yugto sa buhay ay nangyayari sa tamang panahon at itinakdang oras. Hindi sila sumuko sa isa’t isa na sila ay magkikitang muli. Bagkus humuhugot sila ng lakas sa isa’t isa na sila ay magkikitang muli. Pinanghawakan ang kanilang mga pangako at umasa.
You must be logged in to post a comment.