Buhay ay Parang Hagdan

Ikaw? Nasubukan mo na bang umakyat ng hagdan, di ba nakakapagod? Akyat panaog ka para tunghayan ang buhay mo kung saan patutungo. Sa pag-akyat mo sa hagdan paitaas gaya ng buhay, sa itaas mo makikita mo ang liwanag ng kasiyahan at kaginhawaan. Samantalang kung baba ka naman naroon ang kadiliman na sigurado ako, na kahit ikaw mismo ay ayaw mong maranasan ang kalungkutan at kahirapan.

Dito sa mundong ibabaw hindi lahat ng bagay nakukuha mo nang mabilis o hindi mo pinaghihirapan. Kailangan mong mag-aral ng mabuti para makakuha ka ng mataas na marka o maipasa mo ang bawat asignatura. Kailangang magbanat ng buto, magtiis sa iyong boss lalo na sa mga katrabaho mong dinaig pa ang imbestigador sa pangingialam sa iyong buhay. Kung ikaw naman ay isang guro, kailangan mong magpuyat gabi-gabi para maghanda ng mga lektyur na tatalakayin sa klase. Hindi lang yan, kailangan mo ring pagtyagaan at habaan ang iyong pisi sa mga estudyante mong may tagalay na kakulitan at katamaran sa paggawa ng mga takdang-aralin,proyekto at portfolio. Ganyan ang buhay kailangan nang mahabang pasensya at pagtiyaga para isakutaparan ang iyong mga nais sa buhay. Mahirap man sa umpisa ngunit kalaunay masasanay ka rin at matutong makiayon sa saliw ng musika.

Kaya ikaw na habang estudyante ka pa eh tinatamad ka na, Aba! Mag-isip-isip ka na!!! Hindi sa lahat ng panahon kasama mo ang iyong mga magulang. Huwag kang masanay na laging nandiyan sila. Kasi dito sa mundo walang permanente lahat nagbabago at naglalaho. Kaya magsumikap para sa ikakabuti at ikakatupad ng mga minimithi mo sa buhay.

Huwag kang matakot na humakbang paitaas. Hindi mahirap ang humakbang paitaas bagamat nakakapagod kailangan mong paglabanan ang nakakapanghina ng loob sa iyong paghakbang. Isipin mo na lang sa pag-akyat mo sa hagdan paitaas naroon ang liwanag ng iyong pag-asa. Liwanag na siyang magiging ilaw mo sa madilim na kinasasadlakan ng kahapon. Kaya huwag kang titigil sap ag-akyat hanggang sa marating mo ang minimithi mo sa buhay. Tiyak ako na pagnaabot moa ng tugatog ng tagumpay walang hanggang pasasalamat ang iyong masasambit sa Poong Maykapal. Kaya kung ako sayo huwag mo nang hangarin pang pumaibaba. Naiisip mob a kung anong buhay ang naghihintay sayo sa ibaba? Naroon ang kalungkutan at pighati na ayaw mo nang balikan kaya humakbang ka paitaas at pagkatiwalaan ang Poong Maykapal.

Syempre kung ako ang iyong tatanungin, mas gugustuhin kong umakyat paitaas para isakatuparan ang aking pangarap at mga minimithi sa buhay lalo na sa aking pamilya. Nanaisin kong maghirap sa simula kung kapalit naman nito ay kaginhawaan ng buhay ng aking pamilya at ng aking sarili.

Ikaw? Saan ka patutungo?