Ang Puso ni Ina | Tagalog | Poetry


Ang puso ni ina’y kaban ng paglingap,
May dalawang tibok na karapat-dapat,
Ang isa’y kay ama, kay amang mapalad
At ang isa nama’y sa amin nalagak.

Pag-ibig ng ina kong irog ay walang kapantay,
Kanyang pagsinta’y samyo ng kampupot,
Ang lakas ng puso’y parang nag-uutos
Na ako, kaylan ma’y huwag matatakot.

Pag-ibig ni ina ang siyang yumari,
Ng magandang buhay sa mga supling.
Pag-ibig niya ang nagsisilbing ilaw,
Sa aming bahay na kayhalina.

Maligayang araw ng mga INA sa lahat ng mga INA at sa mga nagpapaka-ina. Maraming salamat sa walang humpay na pagmamahal niyo sa amin ninyong mga anak. Salamat sa paghubog upang kaming inyong mga supling ay tumalima at hindi maligaw aming mga landas.

Liwanag sa Hardin


Sa parang ako’y isang magandang bulaklak;
Nagpapaganda sa masalimoot mong buhay.
Tangan ang kislap ng pag-asa;
Humahalimuyak sa bakuran mong kaylumbay.

Maaaninag ang tunay na ganda;
Kung ako’y iyong pagmamasdan ng husay.
Mapapawi ang lungkot at pighati sa buhay;
Kusang sisilay ang ngiti sa mga labi.

Halina’t ako’y iyong pagmasdan;
Sabay nating harapin ang bukas.
Nang may tuwa at pag-asa;
Panghawakan ang liwanag na dala ko.

Pagkat kislap na aking taglay;
Walang sinumang makakapantay.
Samyo ng aking pag-ibig;
Kusa mong madarama sa tuwina.

Sa tuwing lagi mo akong kapiling;
Hindi ko hahayaang ika’y malungkot.
Susulitin natin bawat araw na magkapiling;
Gagawin natin itong masaya at makulay.

Sa aking paglalagi sa mundong ito;
Tanging hiling ko’y maging matagumpay ka.
Sa bawat unos na iyong tatahakin;
Alalahanin mong ako’y laging nandito.

Patuloy kong iilawan ang landas mo;
Tungo sa buhay na pinakaaasam mo.
Ako’y patuloy na magniningning sa hardin mo;
Upang maging ilaw sa iyong paglalakbay.

Hardin mo’y mananatiling makulay;
Hangga’t ako’y narito.
Panghawakan bawat pag-asa na iyong natatanaw;
Kasama mo ako saan ka man magtungo.

Tatanawin kita sa malayo;
Ipapanalangin ang iyong landas.
Tungo sa mahusay at maunlad na pakikibaka;
Mapapagtagumpayan mo lahat ng pakikibaka.

Sa iyong pakikibaka sa buhay;
Lagi mong tatanawin ang iyong adhikain.
Upang landas mo ay hindi malihis.
Lumakad ka sa paglalakbay na taglay ang liwanag ko.


•Poetry•
#Tagalog

Ang Aking Ina | Tagalog | Poetry

Ang aking Ina ang kaagapay ko sa tuwina.
Ang aking Ina ang nagsisilbing tulay ko,
Tungo sa daang matarik at madulas.
Nagsisilbing ilaw ko sa purikit na daan.


Saan man ako magtungo,
Siya ay laging nariyan.
Anuman ang sitwasyon,
Di niya ako iniiwan.


Kung ako’y nasa pighati,
Yakap at halik niya ay sapat na.
Para maibsan ang lungkot,
Na aking nadarama.


Pag-ibig ni Ina ay tunay,
At walang kapares.
Mahal niya ako,
At Mahal ko siya.