Walang Kwenta

Kami yung mga kabataan
na madalas sa lansangan
Walang kwenta kung ituring
ng lipunang mapanghusga

Walang boses na ipagmamalaki
sapagkat yaong mga gawa
ang hinuhusgahan ng madla
Sigaw namin ay bulong sa kanila

Hindi maririnig munting tinig
Walang gustong makinig
Pagkat sa kanila ito’y walang kwenta
Walang kabuluhan ang aming tinig

Bagwis nami’y di maikampay
Paano kami lilipad?
kung bagwis ay niruruyakan
niluray ng mga taong mapanghusga

Mahina sa kanilang mga mata
bawat kilos ay tinutuya
walang patutunguhan kung ituring
Wala kaming puwang kung matahin

Saan kami lulugar sa lipunang ito?
Paano kami kikilos?
Kanino kami lalapit ng aming hinaing?
Sino ang maniniwala sa amin?
Bakit niyo kami kailangang husgahan?
Ano ang aming dapat gawin upang kami’y tingnan na pag-asa ng lipunang uhaw at pagod na?
Pakinggan niyo ang mga hinaing namin.

Oo, kami ang mga kabataang patapon,
Kung inyong ituring
Kami ang tingin niyong dumi sa lipunang ito
Kami ang tinik sa inyong lalamunan
Kami ang tingin niyong sisira sa bayan
Kami ang tingin niyong walang dunong
Kami ang mga kalam ang tiyan
Gutom sa totoong pangangalinga
Hindi panghuhusga ang tugon
Sa bawat pangangalam ng aming tiyan
Hindi pangyuyurak ang tugon
Sa madudungis naming kaanyuan
Hindi ang pigilan kaming lumipad
At putulin ang bagwis ang tugon
Upang sugpuin ang katiwalian sa ating bayan
Hayaan niyong kami’y lumipad
Hayaan niyong mga bagwis namin ay ikampay
Hayaan niyong liparin ang bayang iniibig namin
Tingnan niyong kami’y pag-asa ng bayan
At hindi tinik ng lipunan.

Bagkus ang totoong anay sa ating lipunan
Ay silang mga edukadong nasa kongreso
Silang pagnanakaw sa bayan ang tanging alam
Silang tanging kanilang bulsa ang pinayayaman
Silang matahin ang mga aba ay sobra
Silang may mga kapangyarihan
At puso nila’y nilason ng kapangyarihan.
Sila ang totoong lason at gumugupo sa bayan.

Kaming mga kabataan na walang kwenta
Ang aming mga sigaw ay naghuhumiyaw
Ang aming mga bagwis ay kumakampay
Aming mga tinig ay umaawit
Pakinggan aming munting hiling at tinig
Buksan ang tarangkahan para sa amin

Sapagkat kami man ang walang kwenta
Sa inyong mga mata
Kami ang totoong nagmamalasakit sa bayan
Kami ang handang ipaglaban ang bayan.
Kami ang patuloy na sisigaw
Upang kami’y inyong pakinggan.

Walang kwenta ngunit mahalaga.
Walang kwenta ngunit kailangang tingnan.
Walang kwenta ngunit may puso.
Walang kwenta ngunit makabayan.
Walang kwenta ngunit handang makipaglaban.
Walang kwenta ngunit patuloy na sisigaw.
Walang kwenta ngunit patuloy na kikilos.
Walang kwenta ngunit makikibaka.

Kami ang kabataan na sumisigaw ng tinig.
Tinig na kakatok sa inyong mga puso.
Umaasa na pakikinggan niyo.
At kami’y pagkatiwalaan.
Pagkat tulad niyo.
Mahal namin ang bayang Pilipinas.

Kami ang liwanag sa bayan.

AMBAG NG ISANG KABATAAN : ni Jon Mark Magsayo Tañuan



Ngayo’y nababalot ng pangamba itong bansa,
Makasaysayang maituturing,yaong tinatamasa.
Ang sa bayan ni Juan ay dumapo, kupal na ni anino ay wala,
Tinutugis ang masa, bughaw ka man o dukha.

Laganap doon sa dako, masusugid na nagbabantay,
Banda rito naman, mga bukas-palad na nag-aalay.
Sa kabilang ibayo’y doktor at nars na handang umagapay,
Taguri’y mga front-liners, buhay ay handang ialay.

Isang araw, isang tanong ang sa aki’y bumungad,
“Anong ambag mo sa bansang sa krisis ay sagad?”
Sagot ko’y simple lang, pitaka ko rin nama’y hungkag.
Makinig ka kaibigan, tugon ko’y aking ipahahayag.

Ako’y sumusunod sa mga patakaran ng gobyerno,
Katagang “STAY AT HOME”, ito’y nasa nauunawaan ko.
Ang paglaganap ng epidemya, tiyak na masusugpo,
Kung ang SOCIAL DISTANCING, ating isasapuso.

Hatid ko rin’y akma at wastong impormasyon,
Hindi sasabay, sa agos ng mapanlinlang na panahon.
Pawang katotohanan lang at walang kwentong-barbero,
Walang halong “FAKE NEWS”, ako’y hindi salot sa bayan ko.

At kung ika’y nababagot, bumisita sa social media,
Iyong matutunghayan, ilang bidyong hatid ay saya.
Ako’y nagba-vlogging, minsan ay nagti-Tiktok pa,
Ito’y pampalipas-oras, nagbibigay-aliw pansamantala.

Tulad ng iba, may taglay din akong kalinangan,
Marunong tumingin ng wasto at di-makatarungan,
Minsan pa’y ang gobyerno, mayroong pagkukulang,
Mga “HOMELESS” at “JOBLESS”, ganap silang naaapektuhan.

Tanging boses ang maiaambag sa ganitong usapin,
Malinis ang intensyon, walang bahid ng paninirang-puri.
Magbibigay suhestiyon, ilalantad ang saloobin,
Ako’y hindi pantas, malasakit ang tangi kong mithi.

Higit sa lahat, ambag ko’y dalangin sa Ama,
Yakapin ang sanlibutan sa anumang pagsubok at sakuna.
Dasal ko’y kapakanan ng mga front-liners na dakila,
Sa kanilang mata’y makikita, panibagong kabanata at pag-asa.

Mga mumunting ambag, ito lang ang tanging kaya ko,
Hindi ako mayaman gaya ng ibang artista at politiko.
Karunungan at pagmamahal, ito lang ang kayamanan ko,
Bilang kabataan, ito ang tanging maiaalay ko.


#Poem
#Poetry
#Filipino
#Tagalog
#FightCoronaVirus
#WeWinUsOne

Ang akdang ito ay obra ng aking pinsan. Malugod ko siyang pinasasalamatan at pinaunlakan niya ang aking hiling na hiramin ang kanyang obra at ilathala sa aking hatirang pangmadla. Ang obrang ito para sa lahat na ating mga Pilipino. Buksan ang ating puso at magkaroon ng pagmamalasakit sa isa’t isa sa krisis na kinakaharap ng ating bansa ngayon. Masusugpo nating ang mapaminsalang virus na ito sa katangian na mayroon tayo ang pagiging MAKADIYOS. Likas na sa atin ang katangiang iyan. Kaya magkaisa tayo para sa labang kinakaharap ng ating bayan ngayon. Maraming Salamat at nawa ang PANGINOON ay laging nasa puso at isip natin.

#BayanihanUsOne