Walang Kwenta

Kami yung mga kabataan
na madalas sa lansangan
Walang kwenta kung ituring
ng lipunang mapanghusga

Walang boses na ipagmamalaki
sapagkat yaong mga gawa
ang hinuhusgahan ng madla
Sigaw namin ay bulong sa kanila

Hindi maririnig munting tinig
Walang gustong makinig
Pagkat sa kanila ito’y walang kwenta
Walang kabuluhan ang aming tinig

Bagwis nami’y di maikampay
Paano kami lilipad?
kung bagwis ay niruruyakan
niluray ng mga taong mapanghusga

Mahina sa kanilang mga mata
bawat kilos ay tinutuya
walang patutunguhan kung ituring
Wala kaming puwang kung matahin

Saan kami lulugar sa lipunang ito?
Paano kami kikilos?
Kanino kami lalapit ng aming hinaing?
Sino ang maniniwala sa amin?
Bakit niyo kami kailangang husgahan?
Ano ang aming dapat gawin upang kami’y tingnan na pag-asa ng lipunang uhaw at pagod na?
Pakinggan niyo ang mga hinaing namin.

Oo, kami ang mga kabataang patapon,
Kung inyong ituring
Kami ang tingin niyong dumi sa lipunang ito
Kami ang tinik sa inyong lalamunan
Kami ang tingin niyong sisira sa bayan
Kami ang tingin niyong walang dunong
Kami ang mga kalam ang tiyan
Gutom sa totoong pangangalinga
Hindi panghuhusga ang tugon
Sa bawat pangangalam ng aming tiyan
Hindi pangyuyurak ang tugon
Sa madudungis naming kaanyuan
Hindi ang pigilan kaming lumipad
At putulin ang bagwis ang tugon
Upang sugpuin ang katiwalian sa ating bayan
Hayaan niyong kami’y lumipad
Hayaan niyong mga bagwis namin ay ikampay
Hayaan niyong liparin ang bayang iniibig namin
Tingnan niyong kami’y pag-asa ng bayan
At hindi tinik ng lipunan.

Bagkus ang totoong anay sa ating lipunan
Ay silang mga edukadong nasa kongreso
Silang pagnanakaw sa bayan ang tanging alam
Silang tanging kanilang bulsa ang pinayayaman
Silang matahin ang mga aba ay sobra
Silang may mga kapangyarihan
At puso nila’y nilason ng kapangyarihan.
Sila ang totoong lason at gumugupo sa bayan.

Kaming mga kabataan na walang kwenta
Ang aming mga sigaw ay naghuhumiyaw
Ang aming mga bagwis ay kumakampay
Aming mga tinig ay umaawit
Pakinggan aming munting hiling at tinig
Buksan ang tarangkahan para sa amin

Sapagkat kami man ang walang kwenta
Sa inyong mga mata
Kami ang totoong nagmamalasakit sa bayan
Kami ang handang ipaglaban ang bayan.
Kami ang patuloy na sisigaw
Upang kami’y inyong pakinggan.

Walang kwenta ngunit mahalaga.
Walang kwenta ngunit kailangang tingnan.
Walang kwenta ngunit may puso.
Walang kwenta ngunit makabayan.
Walang kwenta ngunit handang makipaglaban.
Walang kwenta ngunit patuloy na sisigaw.
Walang kwenta ngunit patuloy na kikilos.
Walang kwenta ngunit makikibaka.

Kami ang kabataan na sumisigaw ng tinig.
Tinig na kakatok sa inyong mga puso.
Umaasa na pakikinggan niyo.
At kami’y pagkatiwalaan.
Pagkat tulad niyo.
Mahal namin ang bayang Pilipinas.

Kami ang liwanag sa bayan.

Tutuyuin ko ang Iyong mga Luha

Tutuyuin ko ang iyong mga luha
na sanhi ng sakit na iyong nararamdaman
kahit na alam kong siya ang dahilan
ng iyong pagtangis
saksi ako kung paano mo siyang minahal
saksi ako sa mga ginagawa mo
para sa kanya
mapatunayan mo lang ang pagmamahal
mo sa kanya na iniaalay mo
Bulag ba siya at di ka niya makita

O di kaya marahil,
malayo ang kanyang tanaw
at di ka niya pansin sa kanyang balintataw

Gayunpaman,,,
Ikaw ay di sumusuko
kumakapit sa katiting na pag-asa
na ikaw ay mapapansin niya

Akong laging narito sayo
laging nasa tabi mo
Kailan mo kaya ako mapapansin
Kailan mo mapapansin ang aking pagtangis
na ikaw ang dahilan
dahil siya ang mahal mo
dahil mga mata mo ay sa kanya napako
dahil patuloy kang umaasa sa kanya

Kailan mo tutuyuin ang aking mga luha
kailan mo bibitawan ang katiting
na pag-asa para sa kanya
at lingunin nalang ako
hawakan ang aking mga kamay
magpatuloy sa ating mga buhay
na tayo ang magkasama

Umaasa akong makita mo
ang halaga ko sayo
Nang sa gayon ay mapakawalan mo
ang lahat ng sakit na dinaranas mo
matukoy mo ang kahulugan ko sayo
Huwag mo sanang hayaan na na mapagod ako
at kusang umalis sa mga tabi mo
upang iwan ka at hayaan ka nalang.

Kung nasasaktan ka higit akong nasasaktan.
Hiling kong makita mo iyon
at buksan ang pintuan sa’yong puso
Hayaan mo sanang pakinggan
aking mahinahon na katok
at ako’y iyong papasukin
Upang mga luha mo’y aking tutuyuin.

Maaari Ba???

Maaari bang samahan mo ako
na lakbayin ang baybayin na ito
na magkahawak ang ating mga kamay
at pinakikinggan ang alay kong tula sayo.

Maaari ba?
na magpanggap kang masaya
na kapiling ako.

Maaari ba?
na magpanggap kang mahal
mo ako kahit sandali lang.

???

Maaari ba na pakinggan mo?
ang bawat pintig ng aking puso
na tanging ikaw ang ritmo
sa isang musika na ikaw ang himig.

Maaari bang hiramin ko
ang kapirasong oras mo
at ialay mo muna ito sa akin
kahit sa sandaling segundo.

Maaari ba?

???

Sapagkat sa bawat oras na nalalabi ko
dito sa mundong ibabaw
ay humahaba at pakiwari ko’y
mahaba pa ang ilalagi ko dito.

Sapagkat sa bawat pintig ng aking puso
ay maaaring maupos gaya ng kandilang may sindi
at sa tuwing pakikinggan mo ito
yaring isang musikang tumutugtog
at saliw nito laan para sayo lamang.

Kung sakali mang ikaw
ay magpapanggap na mahal mo ako
pakiwari ko’y nasa alapaap ako
ninamnam ang makinang mong pagmamahal.

At sakali mang ako’y iyong samahan
na tahakin ang mahabang baybayin na ito
at pinakikinggan mo ang alay kong tula sayo
at magkahawak ang ating kamay.

Malugod kong tatanggapin ang pamamahinga
sa dulo ng baybaying ito.

Ako’y mamaalam na tangan ang saya at babaunin ang lahat ng lungkot at sakit.
Iiwan ang masasayang alaala
at umaasa ako na iyong ipagpapatuloy.

Sapagkat ako’y hahayo na,
Pagod na akong lumaban pa
ang sakit na gumugupo sa akin
at ang magpapahiwalay sa ating dalawa.

Huwag ka nang umiyak pa,
Tanggapin mo, na hanggang dito nalang ako.
Pagtangis mo sana ay ikubli nalang,
Huwag mo nang ipakita pa sa akin.

Maaari bang masilayan ko ang iyong mga ngiti
sa huling pagkakataon?
Hawakan mong mahigpit ang aking mga kamay
at hayaan mong kumawala ito
hanggang sa maupos ang aking paghinga.

Maaari ba? Mahal ko?