Posted in Poetry

Walang Kwenta

Kami yung mga kabataan
na madalas sa lansangan
Walang kwenta kung ituring
ng lipunang mapanghusga

Walang boses na ipagmamalaki
sapagkat yaong mga gawa
ang hinuhusgahan ng madla
Sigaw namin ay bulong sa kanila

Hindi maririnig munting tinig
Walang gustong makinig
Pagkat sa kanila ito’y walang kwenta
Walang kabuluhan ang aming tinig

Bagwis nami’y di maikampay
Paano kami lilipad?
kung bagwis ay niruruyakan
niluray ng mga taong mapanghusga

Mahina sa kanilang mga mata
bawat kilos ay tinutuya
walang patutunguhan kung ituring
Wala kaming puwang kung matahin

Saan kami lulugar sa lipunang ito?
Paano kami kikilos?
Kanino kami lalapit ng aming hinaing?
Sino ang maniniwala sa amin?
Bakit niyo kami kailangang husgahan?
Ano ang aming dapat gawin upang kami’y tingnan na pag-asa ng lipunang uhaw at pagod na?
Pakinggan niyo ang mga hinaing namin.

Oo, kami ang mga kabataang patapon,
Kung inyong ituring
Kami ang tingin niyong dumi sa lipunang ito
Kami ang tinik sa inyong lalamunan
Kami ang tingin niyong sisira sa bayan
Kami ang tingin niyong walang dunong
Kami ang mga kalam ang tiyan
Gutom sa totoong pangangalinga
Hindi panghuhusga ang tugon
Sa bawat pangangalam ng aming tiyan
Hindi pangyuyurak ang tugon
Sa madudungis naming kaanyuan
Hindi ang pigilan kaming lumipad
At putulin ang bagwis ang tugon
Upang sugpuin ang katiwalian sa ating bayan
Hayaan niyong kami’y lumipad
Hayaan niyong mga bagwis namin ay ikampay
Hayaan niyong liparin ang bayang iniibig namin
Tingnan niyong kami’y pag-asa ng bayan
At hindi tinik ng lipunan.

Bagkus ang totoong anay sa ating lipunan
Ay silang mga edukadong nasa kongreso
Silang pagnanakaw sa bayan ang tanging alam
Silang tanging kanilang bulsa ang pinayayaman
Silang matahin ang mga aba ay sobra
Silang may mga kapangyarihan
At puso nila’y nilason ng kapangyarihan.
Sila ang totoong lason at gumugupo sa bayan.

Kaming mga kabataan na walang kwenta
Ang aming mga sigaw ay naghuhumiyaw
Ang aming mga bagwis ay kumakampay
Aming mga tinig ay umaawit
Pakinggan aming munting hiling at tinig
Buksan ang tarangkahan para sa amin

Sapagkat kami man ang walang kwenta
Sa inyong mga mata
Kami ang totoong nagmamalasakit sa bayan
Kami ang handang ipaglaban ang bayan.
Kami ang patuloy na sisigaw
Upang kami’y inyong pakinggan.

Walang kwenta ngunit mahalaga.
Walang kwenta ngunit kailangang tingnan.
Walang kwenta ngunit may puso.
Walang kwenta ngunit makabayan.
Walang kwenta ngunit handang makipaglaban.
Walang kwenta ngunit patuloy na sisigaw.
Walang kwenta ngunit patuloy na kikilos.
Walang kwenta ngunit makikibaka.

Kami ang kabataan na sumisigaw ng tinig.
Tinig na kakatok sa inyong mga puso.
Umaasa na pakikinggan niyo.
At kami’y pagkatiwalaan.
Pagkat tulad niyo.
Mahal namin ang bayang Pilipinas.

Kami ang liwanag sa bayan.
Posted in Poetry, Tagalog

Pilipinas para sa Pilipino lamang!!!

Sa aking pagsisiyasat
dito sa mundong puno ng pasikat
Waring puro kaguluhan
ang nais na patunguhan

Ikaw na gustong may maiambag
sa bayang iyong iniibig
Kaakibat nito’y
mga mapanghusgang lipunan

Hindi sapat ang iyong ginagawa
para sila’y iyong paglingkuran
Sapagkat lahat ng iyong pawis at dugo
sa kanila’y kulang at hindi sapat

Ikaw, kailan ka magigising sa katotohanan
Kailan mo bubuksan ang iyong mga mata?
para makita mo ang sarili mo.
Kailan mo bubusalan ang iyong bibig?
para manahimik.
Kailan ka kikilos?
para matamo mo ang sapat.
Kailan ka makikiayon?
upang tunguhin ay matiwasay.
Kailan mo paglilingkuran ang iyong bayan?
upang ambag mo ay maipagmalaki.

Kailan?
Kailan?
Kailan?

Sino ka nga ba sa bayang ito?
Baka naman, isa ka sa kanila.

Silang mga salot,,,
Silang mga mapanghusga,,,
Silang mga mapanlait,,,
Silang mga kulang,,,
Silang mga mapangbatikos,,,

Tama na,,,

Halina’t iwaksi natin
ang lasong ipinunla sa atin ng mga dayuhan.
Isilang natin muli ang ating bayan.
Linisin ang ating sariling bakuran.
Paunlarin ang ating bayan.


Maging pinuno tayo ng ating bayan,
Pagharian natin ito,
Ito’y atin
Hindi kanila.

Ikintal sa ating mga puso ang sagisag
ng ating pagkakilanlan.
Iwagayway ang bandilang hinabi
ng ating mga magigiting na bayani.


May magagawa tayo!!!

Oo! Tayo!!!

Pilipino tayo sa isip, sa salita at sa gawa.
Pilipino tayo saan man tayo magtungo.
Pilipino ang kulay mo.
Pilipino ang lahi mo.
Mayroon tayong sariling pagkakakilanlan.
Tayo’y naiiba.

Kaya Ikaw,,,
Huwag mong mamantsahan ang lahi mo,
Gawin mo ang magagawa at makakaya mo
bilang isang mamayan ng Pilipinas.

Maging isang ehemplo
Makiisa sa pakikibaka
Huwag kang lilihis
Dahil sa bawat laban ng ating bansa kaisa ka.

Paglingkuran natin ang ating bayan.
Makiisa sa adhikaing ihaon ang ating bayan
Sa kumunoy at lason na sumisira sa bayan
Paglabanan at buwagin na ito.

Panahon na…
Para naman tayo ay maging Pilipino.
Panahon na…
Ang Pilipinas ay para lamang sa Pilipino.