Posted in Poetry

Alaala

Pagtangis ko’y
gaya ng tubig sa ilog
rumaragasa at di mapigilan
dahil sa iyong pamamaalam!

Pilitin ko mang
pigilin ngunit lalong masakit
impit ng aking pag-iyak
ay naghuhumiyaw at umalingawngaw
mga luha’y umagos nang tuluyan

Naaalala ko yaong
mga kalinga mong tunay
pag-aalaga mong sapat
at walang makakatumbas
kargahin ako sa iyong mga likod
tuwing malayo ang lalakarin

Inaako mo yaong mga kapilyuhan kong gawa
handa mong iharang iyong sarili
sa patpat ni Ina na parusa sa akin
mga luha ko’y iyong tinutuyo
tinuturuan mo akong bumangon
sa aking pagkakamali at pagkadapa
nagsilbing aking ilaw sa karimlang piit

Ikaw, ang aming pinuno
pagsapit ng gabi kami‘y iyong tinitipon
banig ay ilalatag sa munting veranda
gasera ay sisindihan at magsisilbing ilaw
matiyaga mo kaming tuturuan
sa mga takdang aralin
lahat kaming iyong kahiramang suklay
upang maunawaan bawat aralin

Inatang sa iyong gawain ni AMA at INA
wala akong narinig na kahit anong daing
dakila ka para sa akin maging sa kanila
walang maisumbat maging ang sinuman
pinaghuhusayan mong husay
makamit lamang ang bawat tagumpay
maparisan naming mga magkakapatid

Saan ka mang dako ngayon
hiling ko sana patuloy mo kaming gabayan
ituwid sa aming landas
at iilawan aming daraanan
upang kami’y di maparam sa aming tinatahak
nangungulila ako sayo aking kuya
nasa piling ka na ng Maylikha
kung saan ang dusa at sakit ay wala na

Mananatili ka sa aming alaala
ilang araw at mga taon man ang lilipas
nakaukit yaong mga alaala
na parang mga perlas kong ituring
alaalang aking pinanghahawakan
ang tangi nating larawan na di kukupas kailanman!!!


Hanggang sa muli ng ating pagkikita!!!

Bakit dalampasigan? Paboritong lugar namin iyan. Tumatakas pa kami tuwing tanghali pinapatulog kami tuwing tanghali pero nandiyan kami naglalangoy. Ang sarap lang maging bata ulit. Yung puro saya lang ninamnam bawat sandali, bawat laro. Kahit masakit mga palo ni Ina di naman mapapalitan ang mga sayang dulot habang naglalaro ka kasama ng mga kalaro mo. Tama na nga ito. Naiiyak lang ako ulit, totoo habang ginagawa ko ito luha ko’y di na mapigil.

Posted in Blog, Poetry, Quotes, Tagalog

Alaala



Mananatili ba akong isang alaala,
Na nakaukit sa iyong isapa’t
hindi mawawala?

O madali mo lang akong iwawaglit,
Na parang sa puso mo’y
kailanma’y hindi nakaukit?
Posted in Poetry, Tagalog

Alalahanin ang mga Magulang

Sa paglipas ng araw at panahon,
natanong mo na ba sarili mo kung kailan mo pinahalagahan ang mga magulang mo?

Nasabi mo na ba sa kanila ang mga katagang “Pa ,Ma ” Mahal ko Kayo!!

Kailan niyo pa sasabihin ang mga salitang yan at ipaparamdam pag di na nila marinig at makita ka.

Wag na nating antayin ang puntong yun, bawat oras at sandali ay mahalaga,

bawat sandali ay itrato nating huli

sapagkat

di natin alam kung hanggang kailan ang deadline natin dito sa mundo.

Porket napapagsabihan ka ng iyong magulang, di ka na niya mahal,
maging bukas po ang ating mga isipan at puso nais lang nila na tayo’y mapabuti.

Natatandaan mo pa ba kung gaano ka niyang katyagang tinuruang maglakad,
ibangon sa bawat pagkadapa mo.

At sa mga salitang namumutawi sa bibig mo na tanging sya lang ang nakakaintindi
dahil sa bulol mong pananalita,
magkagayon man matyaga pa rin syang ituwid ang pananalita mo
hanggang sa ika’y matuto.

Maging sa ating Ama kung gaano syang katyagang kargahin ka sa inyong pamamasyal,
unawain sa tuwing sinusumpong ka ng pagkairita mo at pasensyahan.

Kaya namang tayo’y malaki na,
huwag naman nating kalimutan
ang ating mga magulang,

ang nagbigay ng buhay sa atin,
suklian naman natin ang kanilang mga paghihirap,
para maigapang tayo sa hirap ng buhay para lang sa ating kapakanan…

Di sapat ang mga salitang I LOVE YOU para suklian ang kanilang paghihirap.

Alalahanin naman natin sila paminsan-minsan ipadama naman natin sa kanila kung gaano natin sila kamahal.