Mag-isa Ulit

Masaya ako noong wala ka
Higit na naging masaya
Nang dumating ka
Pumailanlang sa alapaap
Ang pag-ibig na nais
Walang pagsidlan ang galak

Umasa ako na walang hanggan
Ang pag-ibig na binuo natin
Mga alaalang hinabi natin
Pangarap na ating tinupad
Nang tayo ay magkapiling
Sa pag-asang Ikaw at Ako

Ikaw at Ako na naging Tayo
Sa paglipas ng panahon
Higit na naging matibay
Mahalaga ang bawat sandali
At walang pinalagpas na panahon
Sinulit ang bawat sandali.

Takot ako na mag-isa ulit
Takot ako na baka di na sapat
Takot ako na baka di na sulit
Takot ako na baka di na ako ang dapat
Takot ako na baka magsawa ka na
Takot ako na ang mawala ang halaga ko sayo

Ngunit kahit anong gawin ko
Dumating tayo sa puntong kinatatakutan ko
Ayaw kong mangyari ngunit inadya
Tadhana ang gumuhit ng palad
Para sa ating dalawa
Gumuhit ang sakit at dusa

Higit na masakit sa inaakala ko
Hindi ko kayang mawala ka
Hindi ko kayang di kita masilayan
Sa bawat umagang inaantay natin araw-araw
Hindi ko kayang pagmasdan
ang paglubog ng araw na wala ka

Paano ko ipagpapatuloy ang buhay na wala ka?

Ikaw ang naging bahaghari
Sa buhay kong kaylumbay
Ikaw ang nagsilbing liwanag
Sa buhay kong nasa piit ng karimlan
Ikaw ang nagsilbi kong gabay
Sa buhay kong walang patutunguhan.

Ngayon, Paano na???

Di ko alam kung paano ang mag-isa ulit.

Tadhana

man in black long sleeved shirt and woman in black dress
Photo by Jasmine Wallace on Pexels.com
Sa panahong gusto ko nang sumuko
ang katahimikan ay aking nakita,
sa dapit-hapon na makulay.
Kung ang araw
ay sumaklob sa hangganan
panandaliang naglaho ang dilim.
At nakita ko ang aking sarili.
ikaw ang iniisip.

Paanong ang iyong mga mata
ay nagtalima sa buwan
tungo sa akin.
Nagpapaalalang pag-ibig
ay sadyang matayog
kaysa sa mundo.
At ang ating tadhana
ay isinulat sa mga tala.

Pag-ibig na parang bahaghari
makulay at nagbibigay sigla
sa buhay na kaytamlay.
Nagpapaalalang pag-ibig
ay sapat sa taong
marunong makuntento.
Ating tadhana ay patunay
na kaloob ng Maykapal.