Posted in Broken, Poetry, Tagalog

Balang Araw

Balang araw hindi na ako luluha habang pinagmamasdan ka
 Sa larawan ng puno ng ating alaala at pangarap
 Balang araw hindi na ako hihikbi habang pinakikinggan
 Ang ating musika na himig nating dalawa

 Balang araw hindi na ako matutulala sa kalumbayan
 Habang ako ay nasa ating paboritong lugar
 Balang araw masisilayan din ang aking mga ngiti 
 At sigurado ako na di na ikaw ang dahilan ng aking mga ngiti

 Ikaw man ang dahilan ng pagkaguho ng aking mga pangarap
 Huwag kang mag-alala babangon ako at mangangarap muli
 Sisiguraduhin ko na di na ikaw bahagi nito
 Balang araw mangangarap akong muli para sa sarili ko

 Hindi na hihinto ang mundo ko para hintayin ka pang bumalik
 Balang araw kusa nalang akong maglalakad
 Hindi dahil sa pagod na akong hintayin ka
 Kundi dahil ito ang nararapat, tunguhin ang aking landas
 Na wala ka upang paglalakbay ko’y matagumpay
 Gaya ng nais ko.
 Balang araw!
Posted in Poetry

Bakit

Bakiit kung kailan natuto
akong maghintay
hindi ka dumating?

Bakit kung kailan natuto
akong magtiis
doon ka sumuko?

Baki kung kailan natutunan
kitang mahalin
dun ka lumayo?

Bakit kung kailan
mahal na kita
saka ka nagmahal ng iba?
Posted in Poetry, Tagalog

Patawad

Patawad sa aking nagawa,
Sana ako ay iyong pagbigyan.
Patawad sa aking tinuran,
Sana ako ay iyong pakinggan.

Bugso ng aking damdamin,
Naghuhumiyaw at nag-uumalpas.
Huwag kang pabayaan,
Pakamahalin at unawain.

Ngunit ano itong aking nagawa,
Hinayaan kong ikaw ay masaktan.
Pagtangis mo’y aking isinantabi,
Bugso ng damdamin ako nagpadala.

Pag-ibig mo ay naglaho,
Na parang bula.
Nasaktan kitang labis,
Kaya ikaw ay naglaho.

Ngunit, bakit ngayong wala ka na,
Ako’y nangungulila sayo.
Hinahanap ko lalo pag-ibig mo,
Umaasa na babalik ka sinta.

Patawad sa aking nagawa,
Sana ay masaya ka.
Saan ka man naroon ngayon,
Ako’y lubos na nangungulila sayo.
Posted in Poetry

Walang Kwenta

Kami yung mga kabataan
na madalas sa lansangan
Walang kwenta kung ituring
ng lipunang mapanghusga

Walang boses na ipagmamalaki
sapagkat yaong mga gawa
ang hinuhusgahan ng madla
Sigaw namin ay bulong sa kanila

Hindi maririnig munting tinig
Walang gustong makinig
Pagkat sa kanila ito’y walang kwenta
Walang kabuluhan ang aming tinig

Bagwis nami’y di maikampay
Paano kami lilipad?
kung bagwis ay niruruyakan
niluray ng mga taong mapanghusga

Mahina sa kanilang mga mata
bawat kilos ay tinutuya
walang patutunguhan kung ituring
Wala kaming puwang kung matahin

Saan kami lulugar sa lipunang ito?
Paano kami kikilos?
Kanino kami lalapit ng aming hinaing?
Sino ang maniniwala sa amin?
Bakit niyo kami kailangang husgahan?
Ano ang aming dapat gawin upang kami’y tingnan na pag-asa ng lipunang uhaw at pagod na?
Pakinggan niyo ang mga hinaing namin.

Oo, kami ang mga kabataang patapon,
Kung inyong ituring
Kami ang tingin niyong dumi sa lipunang ito
Kami ang tinik sa inyong lalamunan
Kami ang tingin niyong sisira sa bayan
Kami ang tingin niyong walang dunong
Kami ang mga kalam ang tiyan
Gutom sa totoong pangangalinga
Hindi panghuhusga ang tugon
Sa bawat pangangalam ng aming tiyan
Hindi pangyuyurak ang tugon
Sa madudungis naming kaanyuan
Hindi ang pigilan kaming lumipad
At putulin ang bagwis ang tugon
Upang sugpuin ang katiwalian sa ating bayan
Hayaan niyong kami’y lumipad
Hayaan niyong mga bagwis namin ay ikampay
Hayaan niyong liparin ang bayang iniibig namin
Tingnan niyong kami’y pag-asa ng bayan
At hindi tinik ng lipunan.

Bagkus ang totoong anay sa ating lipunan
Ay silang mga edukadong nasa kongreso
Silang pagnanakaw sa bayan ang tanging alam
Silang tanging kanilang bulsa ang pinayayaman
Silang matahin ang mga aba ay sobra
Silang may mga kapangyarihan
At puso nila’y nilason ng kapangyarihan.
Sila ang totoong lason at gumugupo sa bayan.

Kaming mga kabataan na walang kwenta
Ang aming mga sigaw ay naghuhumiyaw
Ang aming mga bagwis ay kumakampay
Aming mga tinig ay umaawit
Pakinggan aming munting hiling at tinig
Buksan ang tarangkahan para sa amin

Sapagkat kami man ang walang kwenta
Sa inyong mga mata
Kami ang totoong nagmamalasakit sa bayan
Kami ang handang ipaglaban ang bayan.
Kami ang patuloy na sisigaw
Upang kami’y inyong pakinggan.

Walang kwenta ngunit mahalaga.
Walang kwenta ngunit kailangang tingnan.
Walang kwenta ngunit may puso.
Walang kwenta ngunit makabayan.
Walang kwenta ngunit handang makipaglaban.
Walang kwenta ngunit patuloy na sisigaw.
Walang kwenta ngunit patuloy na kikilos.
Walang kwenta ngunit makikibaka.

Kami ang kabataan na sumisigaw ng tinig.
Tinig na kakatok sa inyong mga puso.
Umaasa na pakikinggan niyo.
At kami’y pagkatiwalaan.
Pagkat tulad niyo.
Mahal namin ang bayang Pilipinas.

Kami ang liwanag sa bayan.
Posted in Poetry

Okay Lang

Anong hiwaga ang nababalot sa dalawang salita na “OKAY LANG” ?

Madalas natin sagot sa mga tanong na hindi natin alam kung paano sasagutin.

Sa likod ng mga salitang OKAY LANG ay mga emosyong pilit na itinatago.

Dalawang salita na puno ng hiwaga,

Itinatago ang bawat sakit kasabay ang mapanlinlang na mga ngiti.

Ngunit ang mga mata ay tunay na tapat kusang papatak ang mga luhang nagbabadya.

Okay lang kahit di mo alam kung paano nga ba magiging okay sa likod ng mga salitang Okay Lang.

At ang mga salitang OKAY LANG ang nagpapanatag sa mga damdamin nating di mapalagay. Sa bawat bigkas natin nito ay ang kasinungalingang pilit nating itinatago sa matamis na mga ngiti at sa mapupungay na mga mata.

OKAY LANG ang tangi nating sandata kung damdamin natin nagpupuyos na sa galit. Iwawaksing pilit at maglaoy tatakbong papalayo isisigaw ang mga salitang “OKAY LANG ako di naman masakit.” Sa paraang iyon mamalas ang tapang na pinanghahawakan upang iwasan ang kirot at sakit na dulot ng taong minsan mo ng minahal.

OKAY LANG dalawang salitang puno ng hiwaga na tanging puso lamang ang makakatuklas ng totoong hiwatig ng mga salitang ito upang ikubli ang mga emosyon.

Posted in Poetry

Alaala

Pagtangis ko’y
gaya ng tubig sa ilog
rumaragasa at di mapigilan
dahil sa iyong pamamaalam!

Pilitin ko mang
pigilin ngunit lalong masakit
impit ng aking pag-iyak
ay naghuhumiyaw at umalingawngaw
mga luha’y umagos nang tuluyan

Naaalala ko yaong
mga kalinga mong tunay
pag-aalaga mong sapat
at walang makakatumbas
kargahin ako sa iyong mga likod
tuwing malayo ang lalakarin

Inaako mo yaong mga kapilyuhan kong gawa
handa mong iharang iyong sarili
sa patpat ni Ina na parusa sa akin
mga luha ko’y iyong tinutuyo
tinuturuan mo akong bumangon
sa aking pagkakamali at pagkadapa
nagsilbing aking ilaw sa karimlang piit

Ikaw, ang aming pinuno
pagsapit ng gabi kami‘y iyong tinitipon
banig ay ilalatag sa munting veranda
gasera ay sisindihan at magsisilbing ilaw
matiyaga mo kaming tuturuan
sa mga takdang aralin
lahat kaming iyong kahiramang suklay
upang maunawaan bawat aralin

Inatang sa iyong gawain ni AMA at INA
wala akong narinig na kahit anong daing
dakila ka para sa akin maging sa kanila
walang maisumbat maging ang sinuman
pinaghuhusayan mong husay
makamit lamang ang bawat tagumpay
maparisan naming mga magkakapatid

Saan ka mang dako ngayon
hiling ko sana patuloy mo kaming gabayan
ituwid sa aming landas
at iilawan aming daraanan
upang kami’y di maparam sa aming tinatahak
nangungulila ako sayo aking kuya
nasa piling ka na ng Maylikha
kung saan ang dusa at sakit ay wala na

Mananatili ka sa aming alaala
ilang araw at mga taon man ang lilipas
nakaukit yaong mga alaala
na parang mga perlas kong ituring
alaalang aking pinanghahawakan
ang tangi nating larawan na di kukupas kailanman!!!


Hanggang sa muli ng ating pagkikita!!!

Bakit dalampasigan? Paboritong lugar namin iyan. Tumatakas pa kami tuwing tanghali pinapatulog kami tuwing tanghali pero nandiyan kami naglalangoy. Ang sarap lang maging bata ulit. Yung puro saya lang ninamnam bawat sandali, bawat laro. Kahit masakit mga palo ni Ina di naman mapapalitan ang mga sayang dulot habang naglalaro ka kasama ng mga kalaro mo. Tama na nga ito. Naiiyak lang ako ulit, totoo habang ginagawa ko ito luha ko’y di na mapigil.

Posted in Poetry

Kwaderno

Ikaw ang dahilan
Kaya kwaderno ko
ay may laman,

Ikaw ang dahilan
Kaya pluma’y
dumadaloy ang tinta

Ikaw ang dahilan
Kaya bawat tinta
ay may mga salita.

Ikaw ang dahilan
Kaya bawat salita
ay puno ng hiwaga

Ikaw ang dahilan
Kaya bawat hiwaga
ay mananatiling lihim

Ikaw ang dahilan
Kaya bawat lihim
ay inaakalang dusa

Ikaw ang dahilan
Kaya bawat dusa
ay itinatagong pilit

Ikaw ang dahilan
Kaya pilit kong itinatago
sa kwaderno ang iyong imahe.

Posted in Poetry

It Would be US!!!

Let me walk with you
Searching for new
Living with you
Is my new life

to spend for the rest
test our love shared
rain or shine

it would be us
walking for the sunshine
holding hands
through shady life

it would be us
living life together
for better and worst

it would be us
searching for its moment
as we needed passes by
walking through our journey

there’s a lot time
making our footprints
with love and joy

it would be us
longing with each other
in every corner
to sight you and I

Posted in Poetry

Tutuyuin ko ang Iyong mga Luha

Tutuyuin ko ang iyong mga luha
na sanhi ng sakit na iyong nararamdaman
kahit na alam kong siya ang dahilan
ng iyong pagtangis
saksi ako kung paano mo siyang minahal
saksi ako sa mga ginagawa mo
para sa kanya
mapatunayan mo lang ang pagmamahal
mo sa kanya na iniaalay mo
Bulag ba siya at di ka niya makita

O di kaya marahil,
malayo ang kanyang tanaw
at di ka niya pansin sa kanyang balintataw

Gayunpaman,,,
Ikaw ay di sumusuko
kumakapit sa katiting na pag-asa
na ikaw ay mapapansin niya

Akong laging narito sayo
laging nasa tabi mo
Kailan mo kaya ako mapapansin
Kailan mo mapapansin ang aking pagtangis
na ikaw ang dahilan
dahil siya ang mahal mo
dahil mga mata mo ay sa kanya napako
dahil patuloy kang umaasa sa kanya

Kailan mo tutuyuin ang aking mga luha
kailan mo bibitawan ang katiting
na pag-asa para sa kanya
at lingunin nalang ako
hawakan ang aking mga kamay
magpatuloy sa ating mga buhay
na tayo ang magkasama

Umaasa akong makita mo
ang halaga ko sayo
Nang sa gayon ay mapakawalan mo
ang lahat ng sakit na dinaranas mo
matukoy mo ang kahulugan ko sayo
Huwag mo sanang hayaan na na mapagod ako
at kusang umalis sa mga tabi mo
upang iwan ka at hayaan ka nalang.

Kung nasasaktan ka higit akong nasasaktan.
Hiling kong makita mo iyon
at buksan ang pintuan sa’yong puso
Hayaan mo sanang pakinggan
aking mahinahon na katok
at ako’y iyong papasukin
Upang mga luha mo’y aking tutuyuin.
Posted in Poetry

Maaari Ba???

Maaari bang samahan mo ako
na lakbayin ang baybayin na ito
na magkahawak ang ating mga kamay
at pinakikinggan ang alay kong tula sayo.

Maaari ba?
na magpanggap kang masaya
na kapiling ako.

Maaari ba?
na magpanggap kang mahal
mo ako kahit sandali lang.

???

Maaari ba na pakinggan mo?
ang bawat pintig ng aking puso
na tanging ikaw ang ritmo
sa isang musika na ikaw ang himig.

Maaari bang hiramin ko
ang kapirasong oras mo
at ialay mo muna ito sa akin
kahit sa sandaling segundo.

Maaari ba?

???

Sapagkat sa bawat oras na nalalabi ko
dito sa mundong ibabaw
ay humahaba at pakiwari ko’y
mahaba pa ang ilalagi ko dito.

Sapagkat sa bawat pintig ng aking puso
ay maaaring maupos gaya ng kandilang may sindi
at sa tuwing pakikinggan mo ito
yaring isang musikang tumutugtog
at saliw nito laan para sayo lamang.

Kung sakali mang ikaw
ay magpapanggap na mahal mo ako
pakiwari ko’y nasa alapaap ako
ninamnam ang makinang mong pagmamahal.

At sakali mang ako’y iyong samahan
na tahakin ang mahabang baybayin na ito
at pinakikinggan mo ang alay kong tula sayo
at magkahawak ang ating kamay.

Malugod kong tatanggapin ang pamamahinga
sa dulo ng baybaying ito.

Ako’y mamaalam na tangan ang saya at babaunin ang lahat ng lungkot at sakit.
Iiwan ang masasayang alaala
at umaasa ako na iyong ipagpapatuloy.

Sapagkat ako’y hahayo na,
Pagod na akong lumaban pa
ang sakit na gumugupo sa akin
at ang magpapahiwalay sa ating dalawa.

Huwag ka nang umiyak pa,
Tanggapin mo, na hanggang dito nalang ako.
Pagtangis mo sana ay ikubli nalang,
Huwag mo nang ipakita pa sa akin.

Maaari bang masilayan ko ang iyong mga ngiti
sa huling pagkakataon?
Hawakan mong mahigpit ang aking mga kamay
at hayaan mong kumawala ito
hanggang sa maupos ang aking paghinga.

Maaari ba? Mahal ko?