Pag-ibig

Ang kapintasan ng tao'y 
mata ang nakakakita.
Ngunit ang pagmamahal
ay puso ang nakakadama.

Kaya masasabing
bulag ang pag ibig.
Utos ng puso ang susundin
dahil iyon ang ikaliligaya.

Paano ba pipigilin
ang pagtibok ng puso?

Di ba't kapag pinilit
walang kasingsakit
dahil puso'y nagdurugo.

Kahit pilitin mo pang
ika'y sa kanya'y lumayo.
Hahanapin mo pa rin
ang kanyang pagsuyo.

Ang Puso ni Ina | Tagalog | Poetry


Ang puso ni ina’y kaban ng paglingap,
May dalawang tibok na karapat-dapat,
Ang isa’y kay ama, kay amang mapalad
At ang isa nama’y sa amin nalagak.

Pag-ibig ng ina kong irog ay walang kapantay,
Kanyang pagsinta’y samyo ng kampupot,
Ang lakas ng puso’y parang nag-uutos
Na ako, kaylan ma’y huwag matatakot.

Pag-ibig ni ina ang siyang yumari,
Ng magandang buhay sa mga supling.
Pag-ibig niya ang nagsisilbing ilaw,
Sa aming bahay na kayhalina.

Maligayang araw ng mga INA sa lahat ng mga INA at sa mga nagpapaka-ina. Maraming salamat sa walang humpay na pagmamahal niyo sa amin ninyong mga anak. Salamat sa paghubog upang kaming inyong mga supling ay tumalima at hindi maligaw aming mga landas.

Pinagtagpo ngunit di Tinadhana




Humiling ako sa Maylikha
na huwag ka nang lumisan
Ngunit pakiwari ko’y
di ako pinakinggan.

Bagkus, Ikaw ay lumisan pa rin.
Ako’y lubos na nagdamdam,
Ngunit anong magagawa ko
Ikaw na ang nagtuldok.

Tinuldukan mo na ating ugnayan
Hindi na ako mahalaga sa'yo
Iniwan mo ako sa gitna ng karimlan.

Di mawari iyong dahilan.
At pagmamakaawa ko’y isinantabi mo
Buo ang iyong desisyon na ako’y iwan
sa gitna ng gubat na masukal.

Iniwan mo ako sa gitna ng laban
na walang sandata.
Ang pighati at galit
ang tanging naging sandata ko.

Para kamuhian ka!
at hilingin sa Maylikha
na huwag nang magkrus ang ating landas.

Habang nasa gitna ng gubat 
napagtanto kong pinagtagpo lang tayo.
Ngunit di tinadhana.

Ako'y magpapatuloy sa aking paglalakbay
na hindi ikaw ang kasama at kasabay
Magiging matatag para sa sarili
at ipapakita sa'yo ang tapang na taglay ko.
na kaya ko kahit wala ka.

Maliwanag na sa akin na tayo 
ay pinagtagpo ngunit di tinadhana

Buhay ay Parang Hagdan

Ikaw? Nasubukan mo na bang umakyat ng hagdan, di ba nakakapagod? Akyat panaog ka para tunghayan ang buhay mo kung saan patutungo. Sa pag-akyat mo sa hagdan paitaas gaya ng buhay, sa itaas mo makikita mo ang liwanag ng kasiyahan at kaginhawaan. Samantalang kung baba ka naman naroon ang kadiliman na sigurado ako, na kahit ikaw mismo ay ayaw mong maranasan ang kalungkutan at kahirapan.

Dito sa mundong ibabaw hindi lahat ng bagay nakukuha mo nang mabilis o hindi mo pinaghihirapan. Kailangan mong mag-aral ng mabuti para makakuha ka ng mataas na marka o maipasa mo ang bawat asignatura. Kailangang magbanat ng buto, magtiis sa iyong boss lalo na sa mga katrabaho mong dinaig pa ang imbestigador sa pangingialam sa iyong buhay. Kung ikaw naman ay isang guro, kailangan mong magpuyat gabi-gabi para maghanda ng mga lektyur na tatalakayin sa klase. Hindi lang yan, kailangan mo ring pagtyagaan at habaan ang iyong pisi sa mga estudyante mong may tagalay na kakulitan at katamaran sa paggawa ng mga takdang-aralin,proyekto at portfolio. Ganyan ang buhay kailangan nang mahabang pasensya at pagtiyaga para isakutaparan ang iyong mga nais sa buhay. Mahirap man sa umpisa ngunit kalaunay masasanay ka rin at matutong makiayon sa saliw ng musika.

Kaya ikaw na habang estudyante ka pa eh tinatamad ka na, Aba! Mag-isip-isip ka na!!! Hindi sa lahat ng panahon kasama mo ang iyong mga magulang. Huwag kang masanay na laging nandiyan sila. Kasi dito sa mundo walang permanente lahat nagbabago at naglalaho. Kaya magsumikap para sa ikakabuti at ikakatupad ng mga minimithi mo sa buhay.

Huwag kang matakot na humakbang paitaas. Hindi mahirap ang humakbang paitaas bagamat nakakapagod kailangan mong paglabanan ang nakakapanghina ng loob sa iyong paghakbang. Isipin mo na lang sa pag-akyat mo sa hagdan paitaas naroon ang liwanag ng iyong pag-asa. Liwanag na siyang magiging ilaw mo sa madilim na kinasasadlakan ng kahapon. Kaya huwag kang titigil sap ag-akyat hanggang sa marating mo ang minimithi mo sa buhay. Tiyak ako na pagnaabot moa ng tugatog ng tagumpay walang hanggang pasasalamat ang iyong masasambit sa Poong Maykapal. Kaya kung ako sayo huwag mo nang hangarin pang pumaibaba. Naiisip mob a kung anong buhay ang naghihintay sayo sa ibaba? Naroon ang kalungkutan at pighati na ayaw mo nang balikan kaya humakbang ka paitaas at pagkatiwalaan ang Poong Maykapal.

Syempre kung ako ang iyong tatanungin, mas gugustuhin kong umakyat paitaas para isakatuparan ang aking pangarap at mga minimithi sa buhay lalo na sa aking pamilya. Nanaisin kong maghirap sa simula kung kapalit naman nito ay kaginhawaan ng buhay ng aking pamilya at ng aking sarili.

Ikaw? Saan ka patutungo?