Posted in Poetry, Tagalog

Pagpupugay sa mga FRONTLINERS!!!

Copyright @ Salamat Po Nationwide Letter Writing Advocacy Program
Sa digmaang kinakaharap natin ngayon
Ako, tayo, ikaw ay may obligasyon
Para masugpo ang kalabang ating di nakikita
Ngunit paano tayo makikipaglaban

Kung armas natin ay kulang o wala
Kung tayo ay mas magaling pa sa gobyerno
Kung tayo ay puro ngawa at satsat
Kung tayo ay pasaway at walang pakialam

Paano tayo makikipaglaban?

Marami na ang nagtangkang labanan ang virus
Ngunit sa huli mag-isa kang lalaban
Kapag nagpatalo ka , talo ka!
Ngunit kapag lumaban ka, matatag ka!

Sa digmaang hindi mahalaga
Kung ano ang katayuan mo sa buhay
Mahirap o mayaman lahat tayo napinsala
Walang pinili, walang malaya!

Lahat tayo nakakulong
Sa piitang walang rehas
Lahat tayo nakikidigma
Sa kalabang ating di nakikita

Kaya bigyang pugay natin
Ang ating mga FRONTLINERS
Sila ang ating sundalo sa digmaang ito
Sila ang tunay na nakikipaglaban

Handa silang lumaban para sa bayan
Kahit na alam nilang mga paa nila ay sa hukay
Handa silang itaya ang kanilang mga buhay
Tunay na nakikibaka at naglilingkod sa bayan

Kaya Ikaw! Manatili ka sa bahay
Tanging ambag mo sa digmaan.
Manalangin para sa kagalingan ng mundo
Huwag ng maging bahagi ng problema.

Makiisa ka at maging solusyon sa digmaang kinakaharap natin ngayon.


Copyright @ WILBROS
Posted in Poetry, Tagalog

Pighati ng Pag-ibig



Pakakawalan kita
hindi dahil sa di na kita Mahal.
Gagawin ko ito kasi
pagod na akong pigilan ka
sa iyong pag-uumalpas.
Ayaw kong nahihirapan ka
sa iyong pagpupumiglas.

Di baleng magulanit ang puso ko
wag lang ikaw.
Mas nanainisin kong makita kang masaya
sa taong pinili mong mahalin dahil siya ang magpapaligaya sayo.

Ingat ka Sinta ko!!!

Asahan mong wala ka ng babalikan at tatanawin na lang kita
mula sa aking balintataw.

Hangad ko ang masidhing pag-iibigan
niyong dalawa.

Pag-iibigang binuo niyo
nang tayong dalawa pa.
Pag-iibigang habang masaya kayo,,,
ito ako nagpapakalunod sa dilim
upang pighati na aking ninamnam
ay walang sinumang makakasilay.

Pagdadalamhating ako lang ang nakakaalam pagkat sa paningin ng madla ako ay isang masayahing nilalang na di makakaranas ng pighati sa buhay.

Pero, maling-mali ang nakikita niyo.
Pagkat ako ay isang abang artista na minsang nagpakatanga at naniwala sa mga pangakong binuo natin ng tayong dalawa pa.

Mga pangakong ikaw ang nangako
pero ako ang tutupad.
Tutuparin ko ang ating mga pangarap
na iba-ibang tao ang makakasalamuha natin. Asahan mong sa aking paglayo
hangad ko ay iyong kaligayahan.

Ganyan kita kamahal sinta ko.

May mga bagay na dapat mong pakawalan.
May mga bagay na dapat bitawan.
May bagay na di na dapat ipinaglalaban.
May mga taong pinahahalagahan mo na ng sobra nagagawa ka pang iwan.



#PighatiNgPag-ibig
Posted in Poetry, Tagalog, Tanaga

Tanaga | Poem | Tagalog

Pagmasdan mong mataman
Iyong kapaligiran
Tingnan mo’t lumulubog
Sa kumunoy mong likha.

-mundo
Nakakabinging sigaw!
Ang umaalingawngaw
ng mga gutom at uhaw
ang hindi magkamayaw.

-manggagawa

Paraiso ay salat
Ngunit hitik sa yaman
Kanlungan ng mamayan
Tungo sa kamatayan

-libingan
Posted in Poetry, Tagalog

Hanggang Kailan

Hindi ko alam kung may patutunguhan ba ang tayo na binuo nating dalawa.

Tayo na pinanghawakan nating dalawa para paglabanan ang pag-iibigan nating sinubok na ng panahon.

Minahal kita higit pa sa inaakala ko. Minahal kita sa paraang gusto mo para maipamalas ang tunay na pag-ibig at hangarin ko sayo.

Ngunit hanggang kailan…hanggang kailan ko titiisin ang tayo na nagiging masalimoot na sa pagdaan na panahon. Unti-unti mo akong sinsakal ng bakal mong kamay. Ang mga kamay mong bakal na kinaaliwan ko noon ay kinakatakutan ko ngayon. Takot na akong sa pagdaan pa ng mga panahon lalo ka pang magiging marahas.

Madalas mong panghinalaan ang pagmamahal ko sayo. Lagi mong tinatanong kung mahal ba talaga kita. At tanging sagot ng aking mga bibig ay Oo, ngunit puso ko ay durog na durog na at nais ng makawala sa kulungan mong mapanghusga at mapang-alila.

Marami tayong binuong alaala at mga pangarap na kasabay sa pagbuo nito ay ating pag-iibigang hindi magkukupas. Patawad kung ako ay mapapagod pagkat ako’y tinulak mo sa sadlak ng dusa at nangingibaw ang pait kaysa sa tamis. Ang liyab ng ating pagmamahalan ay nauupos na parang kandila. Hindi na ito sindalisay ng tubig sa ilog at hindi na ito malawak gaya ng mga bituing nakikita natin sa kalangitan.

Ngunit paano natin ipaglalaban ang pag-iibigan natin na hindi na gaya ng dati? Paano pa natin ipagpapatuloy pa ang ating mga pangako sa isa’t isa? Hanggang kailan ako aasa na ikaw ay magbabago at babalik sa kung paano tayo nag-umpisa. Umaasa pa rin ako sa TAYO nating dalawa.

Ngunit!!!…Hanggang Kailan….Aasa…???

#Tagalog #Prose #Poetry

Posted in Poetry, Tagalog

Pilipinas para sa Pilipino lamang!!!

Sa aking pagsisiyasat
dito sa mundong puno ng pasikat
Waring puro kaguluhan
ang nais na patunguhan

Ikaw na gustong may maiambag
sa bayang iyong iniibig
Kaakibat nito’y
mga mapanghusgang lipunan

Hindi sapat ang iyong ginagawa
para sila’y iyong paglingkuran
Sapagkat lahat ng iyong pawis at dugo
sa kanila’y kulang at hindi sapat

Ikaw, kailan ka magigising sa katotohanan
Kailan mo bubuksan ang iyong mga mata?
para makita mo ang sarili mo.
Kailan mo bubusalan ang iyong bibig?
para manahimik.
Kailan ka kikilos?
para matamo mo ang sapat.
Kailan ka makikiayon?
upang tunguhin ay matiwasay.
Kailan mo paglilingkuran ang iyong bayan?
upang ambag mo ay maipagmalaki.

Kailan?
Kailan?
Kailan?

Sino ka nga ba sa bayang ito?
Baka naman, isa ka sa kanila.

Silang mga salot,,,
Silang mga mapanghusga,,,
Silang mga mapanlait,,,
Silang mga kulang,,,
Silang mga mapangbatikos,,,

Tama na,,,

Halina’t iwaksi natin
ang lasong ipinunla sa atin ng mga dayuhan.
Isilang natin muli ang ating bayan.
Linisin ang ating sariling bakuran.
Paunlarin ang ating bayan.


Maging pinuno tayo ng ating bayan,
Pagharian natin ito,
Ito’y atin
Hindi kanila.

Ikintal sa ating mga puso ang sagisag
ng ating pagkakilanlan.
Iwagayway ang bandilang hinabi
ng ating mga magigiting na bayani.


May magagawa tayo!!!

Oo! Tayo!!!

Pilipino tayo sa isip, sa salita at sa gawa.
Pilipino tayo saan man tayo magtungo.
Pilipino ang kulay mo.
Pilipino ang lahi mo.
Mayroon tayong sariling pagkakakilanlan.
Tayo’y naiiba.

Kaya Ikaw,,,
Huwag mong mamantsahan ang lahi mo,
Gawin mo ang magagawa at makakaya mo
bilang isang mamayan ng Pilipinas.

Maging isang ehemplo
Makiisa sa pakikibaka
Huwag kang lilihis
Dahil sa bawat laban ng ating bansa kaisa ka.

Paglingkuran natin ang ating bayan.
Makiisa sa adhikaing ihaon ang ating bayan
Sa kumunoy at lason na sumisira sa bayan
Paglabanan at buwagin na ito.

Panahon na…
Para naman tayo ay maging Pilipino.
Panahon na…
Ang Pilipinas ay para lamang sa Pilipino.


Posted in Poetry, Tagalog, Tanaga

Tanaga | Tula | Poem

Titig mong nakakalusaw
Puso ko’y sabik at uhaw
Pintig nito’y sinisigaw
Ikaw lamang araw-araw
Simbuyo ng damdamin
Huwag mong pairalin
Kawangis nito’y pighati
Luha’y ikubli sa ngiti

A tanaga is a short poetic form that’s the Filipino equivalent of the Japanese haiku. It is an untitled poem of four lines with each line equally having seven to nine syllables.

Posted in Poetry, Tagalog, Tanaga

Tanaga | Tagalog |Poem

Sa aking pag-iisa,
Ako ay umaasa,
Na ika’y makapiling,
Bisig mo’y tanging hiling.
Samyo ng iyong halik
Sana ito’y ibalik
Alaala mo mahal
Ang lakas ko sa twina.
Minsan ko nang hiniling
Sa langit na ibalik
Ating pagmamahalan
at ako’y ‘yong balikan.

A tanaga is a short poetic form that’s the Filipino equivalent of the Japanese haiku. It is an untitled poem of four lines with each line equally having seven to nine syllables.

Posted in Poetry, Tagalog

Takipsilim

Ang tunog ng along humahalik
sa buhanginan ay isang musika
na kumakalma sa nagwawalang puso.

Ang pamamaalam ng papalubog na araw
na nagsasabing may bukas pang darating hintayin mo ang aking liwanag.

At ang payapang kapaligiran ay sapat na
para magbigay ginhawa sa nanghihina
at pagod na kaluluwa.

#TakipSilim
Posted in Poetry, Tagalog

Liwanag sa Hardin


Sa parang ako’y isang magandang bulaklak;
Nagpapaganda sa masalimoot mong buhay.
Tangan ang kislap ng pag-asa;
Humahalimuyak sa bakuran mong kaylumbay.

Maaaninag ang tunay na ganda;
Kung ako’y iyong pagmamasdan ng husay.
Mapapawi ang lungkot at pighati sa buhay;
Kusang sisilay ang ngiti sa mga labi.

Halina’t ako’y iyong pagmasdan;
Sabay nating harapin ang bukas.
Nang may tuwa at pag-asa;
Panghawakan ang liwanag na dala ko.

Pagkat kislap na aking taglay;
Walang sinumang makakapantay.
Samyo ng aking pag-ibig;
Kusa mong madarama sa tuwina.

Sa tuwing lagi mo akong kapiling;
Hindi ko hahayaang ika’y malungkot.
Susulitin natin bawat araw na magkapiling;
Gagawin natin itong masaya at makulay.

Sa aking paglalagi sa mundong ito;
Tanging hiling ko’y maging matagumpay ka.
Sa bawat unos na iyong tatahakin;
Alalahanin mong ako’y laging nandito.

Patuloy kong iilawan ang landas mo;
Tungo sa buhay na pinakaaasam mo.
Ako’y patuloy na magniningning sa hardin mo;
Upang maging ilaw sa iyong paglalakbay.

Hardin mo’y mananatiling makulay;
Hangga’t ako’y narito.
Panghawakan bawat pag-asa na iyong natatanaw;
Kasama mo ako saan ka man magtungo.

Tatanawin kita sa malayo;
Ipapanalangin ang iyong landas.
Tungo sa mahusay at maunlad na pakikibaka;
Mapapagtagumpayan mo lahat ng pakikibaka.

Sa iyong pakikibaka sa buhay;
Lagi mong tatanawin ang iyong adhikain.
Upang landas mo ay hindi malihis.
Lumakad ka sa paglalakbay na taglay ang liwanag ko.


•Poetry•
#Tagalog
Posted in Poetry, Tagalog

Tayo nang Maglayag

Kaygandang pagmasdan ang mga bangkang naglalayag sa dagat.
Tila ba nag-uusap sila at nagkakaunawaan.
Habang pinagmamasdan ko ang bangka,
Bigla akong napatanong sa aking sarili,
Saan patungo ang bangkang iyon?
Tila ba hindi niya alintana ang kanyang susuungin.

Sa kabilang dako ng aking isipan,
Saan nga ba patungo ang buhay ko?
Ang araw ay sisikat sa Silangan,
At lulubog sa kanluran.
Gigising sa umaga
At tutulog pagdating ng gabi.

Hindi gaya ng isang bangka,
Patuloy na naglalayag sa dagat,
Banayad man at masungit ang dagat,
Ang bangkang iyon ay nanatiling matatag.
Hindi alintana ang lakas ng alon,
Bagkus nagpaubaya at nagpatianod nalang.

Gaya ng buhay,
Na sa bawat pagsubok,
Manatiling matatag at lumaban.
Hindi basta susuko,
Sapagkat ito ay magiging sandata,
Sa mga hamon sa buhay.

Hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ay nasa pighati,
Maging bukas upang harapin ang umaga,
Marahil ito ay hindi kasing-ganda,
Ito naman ay umpisa upang makita ang pag-asa,
Kung sa pagkatapos ng ulan ay may bahaghari,
Mayroong Diyos pagkatapos ng sakit at pighati.

Ang paglalayag sa dagat ay pangarap ko,
Ito ang susubok sa tatag ng aking pakikibaka sa buhay.
Ang dagat at ang bangka ang buhay na kinagisnan ko,
Upang maging matatag at matapang,
Dito ko napatunayan na ang pag-abot sa pangarap ay nangangailangan ng tapang at tiyaga.
Makibaka para sa pangarap.

Patuloy akong maglalayag tungo sa aking pangarap,
Upang silayan ang ganda ng mundo,
Upang suungin ang gabundok na alon,
Upang maging matapang at matatag,
Upang iahon ko ang aking pamilya sa abang buhay,
At ibigay ang maaliwalas na buhay sa kanila.