
Kami yung mga kabataan
na madalas sa lansangan
Walang kwenta kung ituring
ng lipunang mapanghusga
Walang boses na ipagmamalaki
sapagkat yaong mga gawa
ang hinuhusgahan ng madla
Sigaw namin ay bulong sa kanila
Hindi maririnig munting tinig
Walang gustong makinig
Pagkat sa kanila ito’y walang kwenta
Walang kabuluhan ang aming tinig
Bagwis nami’y di maikampay
Paano kami lilipad?
kung bagwis ay niruruyakan
niluray ng mga taong mapanghusga
Mahina sa kanilang mga mata
bawat kilos ay tinutuya
walang patutunguhan kung ituring
Wala kaming puwang kung matahin
Saan kami lulugar sa lipunang ito?
Paano kami kikilos?
Kanino kami lalapit ng aming hinaing?
Sino ang maniniwala sa amin?
Bakit niyo kami kailangang husgahan?
Ano ang aming dapat gawin upang kami’y tingnan na pag-asa ng lipunang uhaw at pagod na?
Pakinggan niyo ang mga hinaing namin.
Oo, kami ang mga kabataang patapon,
Kung inyong ituring
Kami ang tingin niyong dumi sa lipunang ito
Kami ang tinik sa inyong lalamunan
Kami ang tingin niyong sisira sa bayan
Kami ang tingin niyong walang dunong
Kami ang mga kalam ang tiyan
Gutom sa totoong pangangalinga
Hindi panghuhusga ang tugon
Sa bawat pangangalam ng aming tiyan
Hindi pangyuyurak ang tugon
Sa madudungis naming kaanyuan
Hindi ang pigilan kaming lumipad
At putulin ang bagwis ang tugon
Upang sugpuin ang katiwalian sa ating bayan
Hayaan niyong kami’y lumipad
Hayaan niyong mga bagwis namin ay ikampay
Hayaan niyong liparin ang bayang iniibig namin
Tingnan niyong kami’y pag-asa ng bayan
At hindi tinik ng lipunan.
Bagkus ang totoong anay sa ating lipunan
Ay silang mga edukadong nasa kongreso
Silang pagnanakaw sa bayan ang tanging alam
Silang tanging kanilang bulsa ang pinayayaman
Silang matahin ang mga aba ay sobra
Silang may mga kapangyarihan
At puso nila’y nilason ng kapangyarihan.
Sila ang totoong lason at gumugupo sa bayan.
Kaming mga kabataan na walang kwenta
Ang aming mga sigaw ay naghuhumiyaw
Ang aming mga bagwis ay kumakampay
Aming mga tinig ay umaawit
Pakinggan aming munting hiling at tinig
Buksan ang tarangkahan para sa amin
Sapagkat kami man ang walang kwenta
Sa inyong mga mata
Kami ang totoong nagmamalasakit sa bayan
Kami ang handang ipaglaban ang bayan.
Kami ang patuloy na sisigaw
Upang kami’y inyong pakinggan.
Walang kwenta ngunit mahalaga.
Walang kwenta ngunit kailangang tingnan.
Walang kwenta ngunit may puso.
Walang kwenta ngunit makabayan.
Walang kwenta ngunit handang makipaglaban.
Walang kwenta ngunit patuloy na sisigaw.
Walang kwenta ngunit patuloy na kikilos.
Walang kwenta ngunit makikibaka.
Kami ang kabataan na sumisigaw ng tinig.
Tinig na kakatok sa inyong mga puso.
Umaasa na pakikinggan niyo.
At kami’y pagkatiwalaan.
Pagkat tulad niyo.
Mahal namin ang bayang Pilipinas.
Kami ang liwanag sa bayan.
You must be logged in to post a comment.