Walang Kwenta

Kami yung mga kabataan
na madalas sa lansangan
Walang kwenta kung ituring
ng lipunang mapanghusga

Walang boses na ipagmamalaki
sapagkat yaong mga gawa
ang hinuhusgahan ng madla
Sigaw namin ay bulong sa kanila

Hindi maririnig munting tinig
Walang gustong makinig
Pagkat sa kanila ito’y walang kwenta
Walang kabuluhan ang aming tinig

Bagwis nami’y di maikampay
Paano kami lilipad?
kung bagwis ay niruruyakan
niluray ng mga taong mapanghusga

Mahina sa kanilang mga mata
bawat kilos ay tinutuya
walang patutunguhan kung ituring
Wala kaming puwang kung matahin

Saan kami lulugar sa lipunang ito?
Paano kami kikilos?
Kanino kami lalapit ng aming hinaing?
Sino ang maniniwala sa amin?
Bakit niyo kami kailangang husgahan?
Ano ang aming dapat gawin upang kami’y tingnan na pag-asa ng lipunang uhaw at pagod na?
Pakinggan niyo ang mga hinaing namin.

Oo, kami ang mga kabataang patapon,
Kung inyong ituring
Kami ang tingin niyong dumi sa lipunang ito
Kami ang tinik sa inyong lalamunan
Kami ang tingin niyong sisira sa bayan
Kami ang tingin niyong walang dunong
Kami ang mga kalam ang tiyan
Gutom sa totoong pangangalinga
Hindi panghuhusga ang tugon
Sa bawat pangangalam ng aming tiyan
Hindi pangyuyurak ang tugon
Sa madudungis naming kaanyuan
Hindi ang pigilan kaming lumipad
At putulin ang bagwis ang tugon
Upang sugpuin ang katiwalian sa ating bayan
Hayaan niyong kami’y lumipad
Hayaan niyong mga bagwis namin ay ikampay
Hayaan niyong liparin ang bayang iniibig namin
Tingnan niyong kami’y pag-asa ng bayan
At hindi tinik ng lipunan.

Bagkus ang totoong anay sa ating lipunan
Ay silang mga edukadong nasa kongreso
Silang pagnanakaw sa bayan ang tanging alam
Silang tanging kanilang bulsa ang pinayayaman
Silang matahin ang mga aba ay sobra
Silang may mga kapangyarihan
At puso nila’y nilason ng kapangyarihan.
Sila ang totoong lason at gumugupo sa bayan.

Kaming mga kabataan na walang kwenta
Ang aming mga sigaw ay naghuhumiyaw
Ang aming mga bagwis ay kumakampay
Aming mga tinig ay umaawit
Pakinggan aming munting hiling at tinig
Buksan ang tarangkahan para sa amin

Sapagkat kami man ang walang kwenta
Sa inyong mga mata
Kami ang totoong nagmamalasakit sa bayan
Kami ang handang ipaglaban ang bayan.
Kami ang patuloy na sisigaw
Upang kami’y inyong pakinggan.

Walang kwenta ngunit mahalaga.
Walang kwenta ngunit kailangang tingnan.
Walang kwenta ngunit may puso.
Walang kwenta ngunit makabayan.
Walang kwenta ngunit handang makipaglaban.
Walang kwenta ngunit patuloy na sisigaw.
Walang kwenta ngunit patuloy na kikilos.
Walang kwenta ngunit makikibaka.

Kami ang kabataan na sumisigaw ng tinig.
Tinig na kakatok sa inyong mga puso.
Umaasa na pakikinggan niyo.
At kami’y pagkatiwalaan.
Pagkat tulad niyo.
Mahal namin ang bayang Pilipinas.

Kami ang liwanag sa bayan.

Ang Kislap Ng Tala

Halina’t masdan ang umagang sisilay;

Pag-asa’y nag-aabang at nag-iintay.

Kasabay nito’y ating kilos at gawa;

Upang makamtan ang buhay ng ginhawa.

Minsan tayo ay nagkakamali sa buhay;

Hindi hudyat para sumuko sa buhay.

Hudyat para matuto sa maling nasa;

Hangaring buksan ang pinto ng pag-asa.

Pag-asang tungo sa purikit ng karimlan;

Pangamba at takot ay walang pagsidlan.

Pagkat ilaw na dala ay kakarampot;

Tapang, taglay tungo sa daang makipot.

Gabay ay mataimtim na panalangin;

Umasang makamit at pagpapalain.

Kailangan ng buong husay na gawa;

Pagkat nasa Diyos ang tunay na awa.

Bulwagan ng pag-asa ay hihiyaw;

At ang kislap ng tala ay mag-iilaw.

Liliwanag ang madilim na pag-asa;

At kamtan ang tunay na pag-asa.